Aug 18, 2009

Lapis

Hay, eto nanaman ako… walang magawa kung hindi kausapin ang sarili… sa totoo lang di ko alam kung bakit ko ito ginagawa, para ba pasayahin sila? Hindi noh! Wala gusto ko lang talaga magsulat, dito kasi ikaw lang ang nasusunod, ikaw ang may control. Sa pagsusulat kaya mong baguhin ang lahat ng ayaw mo o gusto, marami ang nagbago sa buhay ko dahil sa lapis.


Nay: Hoy!, oi gising! gising! May dalang hamburger ang tatay mo, alam mo naman iyon madaling umiinit ang ulo, lasing panaman!

Surot: O, ano bayan itatapon ko’to! Mga letse,sila na nga ang inuuwian, sila pa ang umaarte! Kung ayaw niyo,ipalamon nalang sa pusa, ‘di ito tatangihan!
Tatay ko iyon, tatay-tatayan, ni hindi ko nga yun kaanu-ano, pangalawang asawa ni nanay, ewan ko ba doon galit na galit sa akin, lalo ko naman siyang ginagalit, nakakainis kasi, nagpupumilit isiksik ang sarili, Para ba siyang surot, isang malaking kalbong surot! Pero salamat nalang wala na siya sa buhay namin, nakuwento ko na ba kung bakit? Paano? Saglit lang… ayan dahil dito sa lapis ko, bigay ito sa akin ni nanay, may magic daw, magic pencil nga daw ang tawag dito eh! Kapag may gusto daw akong mangyari isulat ko lang daw gamit ito sinulat ko na sana umalis na ang surot, tapos naghiwalay na sila.

Hiro: Oi, ‘tol nagsusulat ka nanaman, chat nalang tayo! Walang magawa eh, ano gusto mo? O sige kapag nag-oo ka, ibibili kita ng bagong lapis, tignan mo ‘yang lapis mo luma na, wala pa bang anay ‘yan?
Si Hiro iyon,matalik kong kaibigan. geronimo ang tunay niyang pangalan kaso lang mabaho, kaya Hiro nalang.

Hiro: Hoy! Pao ano na?
Pao: Hoy! Hiro anong ano na? sige pero ililibre mo ako ha!
Hiro: sige,sige,sige,tara na po!
Hindi lang si Hiro ang bestfriend ko, ewan ko kung nagkataon lang pero hiniling ko kasi na sana may matalik na kaibigan din akong babae, sinubukan ko lang naman kung gagana, malay ko ba? Si Leigh ang sagot, pero ‘di lang siya basta bestfriend kung alam niyo ang ibig kong sabihin. Pero ewan, pilit rin nila akong tinutukso kay Leigh, bagay daw kami, naaalala ko tuloy nung minsan, wala katuwaan lang, iyon bang magpapaikot ng bote ng softdrinks tapos kung sino yung tatapatan, tatanungin eh sa akin tumapat!
Hiro: O sige, Si Pao ano kaya ang maitatanong sayo, teka…
Pao: Math nalang gusto niyo?
Hiro: hindi anong math, hoy Pao sinuswerte ka, teka may naiisip na ako, tamang-tama nandito siya!
Pao: sinong nandito?
Hiro: basta, o game ha…may gusto ka ba kay Leigh?
Pao: haha si best!! Sus, syempre naman, ano ba naman kayo? Syempre wala, best friend ko yan eh!
Ang galing ko talaga, galing magtago ng nararamdaman, sabi nila nagsisinungaling daw ang isang tao kapag natatakot…natatakot sa di niya alam… natatakot sa kung ano ang pwedeng malaman tungkol sa kanya,ganon ba ako, natatakot?

Simula noon, nakagawian ko nang gamitin ang lapis na bigay ni nanay, nahasa ko rin ang talento ko sa pagsusulat. Naging feature editor nga ako sa school paper naming, marami-rami din akong naisulat, kwento, tula at syempre mga nakatutuwang hiling, sinulat ko kasi na sana magustuhan din ako ni Leigh, pero walang nakakaalam na gusto ko siya kahit si Hiro.
Hiro: Hoy Pao! Bilisan mo ang tagal mo naman,baka tayo ma-late!
Pao: Oo, na saglit nalang ang lamig kasi ng tubig eh!
Hiro: Pao may itatanong ako.
Pao: Assignment mo nanaman, ikaw talaga!
Hiro: Magagalit ka ba kung malalaman mong nililigawan ko si Leigh?
Pao: Si best nililigawan mo? Kelan pa? at bakit naman ako magagalit?
Hiro: Wala naman,eh kung malalaman mong kami na?
Pao: edi maganda, ok yun!
Sinabi ko sa sarili ko na “okay lang yun” pero minsan pala pag sinabi nating “ok” ayaw lang nating tanggapin ang totoo… masakit kasi. Nasasaktan ba ako? Dahil ba sa mga bagay na nasasabi ko noon,na wala akong gusto kay Leigh kahit mayroon? O sa mga bagay na di ko nasabi sa kanya?
Hiro: Hoy ano na? ilan beses ka bang magsabon? Tatlo? Lima? O baka naman may ginagawa ka ng iba ha?
Pao: Sira ka talaga,o heto tapos na!
Alam ko na Malabo na mangyari and huli ko pang hiling, yung tungkol kay Leigh kung anu-anong mga bagay na ang pumapasok sa isip ko… ipinapasok pala… para makalimutan siya, pero hindi parin, mahirap palang makalimutan ang nararamdaman mo sa isang tao lalo’t nakikita at nakakasama mo siya araw-araw.

Libangan ko ngayon? Magsulat… minsan nga gumagalaw na lang ang kamay ko’t nagsusulat na sana. Makita ko na yung babaeng para sa akin, ewan kung hindi si Leigh… sino kaya?
Pao: samahan mo ako sa mall mamaya ah!, magpapabutas lang ako ng tenga.
Hiro: aba! Anong nakain mo? O baka may lagnat ka? Wag kang iiyak ha!
Pao: sus! Para iyon lang noon ngang grade 5 ako pukpok lang walang anestisya, kayang-kaya ngayon pa?
Ano kayang sasabihin ni Hiro kapag nalaman niyang may gusto rin ako kay Leigh? nagpaubaya lang ba ako dahil gusto ko silang sumaya?
Hiro: ano Pao,masakit ba?
Pao: hindi ok lang
Hiro: pa text nga muna, wala akong load, text ko lang si Leigh
Pao: isa lang ha!
Hiro: hahaha, mahilig ka na pala sa teleserye, ikaw ha maka juday ka na pala ha!
Pao: ano?... pakiulit, patingin nga!
Hiro: O tignan mo
Pao: eh hindi naman sa akin to eh! Ito ba yung inabot ko sayo?
Hiro: oo naman,ikaw palusot pa!
Pao: saglit nga tatawagan ko lang yung phone ko, may load kaya ito? ayan nagri-ring
Yung babaeng naka-swtich ko nang cellphone… hulaan niyo… oo. schoolmate namin at meron pa, naging kaklase ko pa siya nang sumunod na semester.

…sana makilala ko na yung babae para sakin, kung hindi si Leigh… sino kaya?... kagagawan ba ito ng lapis na bigay ni nanay? Una yung pag-alis ng surot, sunod ang pagdating ni Leigh, at pagkatapos naman si meg… siya kaya? minsan gusto ko nang maniwalang may magic ang lapis na bigay ni nanay… alam kong sinabi niya lang yun dahil bata pa ako noon, walang muwang inosente. Pero aaminin ko malayo na ang narating ko dahil lang sa isang lapis patuloy akong nangangarap at umaasa, patuloy akong nagsusulat.
“class may oral test tayo ngayon, bubunot lang kayo nang tanong babasahin at sasagutin sa harap ng klase”
Si Mrs. De Guzman iyon. Philosophy teacher namin. kung bakit kami may philosophy kahit accountancy ang coarse naming, hindi ko talaga alam, siguro gusto nilang ipaliwanag kung bakit may pusa sa taas ng simbahan sa likod ng sampung piso. Unang tinawag si Hiro.
"naniniwala ka bang bulag ang pag-ibig?”
Akala niyo ba madali, hindi, mahirap sabihin ang tama o mali, iba-iba tayo may sari-sariling opinion at pinaniniwalaan, di mo maaaring sabihin na tama si Juan at mali si Pedro, dito walang mali at lahat pwede maging tama. Ako ang sumunod na tinawag…
”are you willing to take one’s life for justice sake?"
bigla nalang tumahimik ang paligid…
“nay si tatay? Ito na po yung report card ko!”
Boses yon nang isang bata, boses ko iyon nang bata pa ako. Hindi ko alam kung ano ang nangyayari, nakita ko nalang siyang umiiyak. Mabilis ang mga pangyayari, di ko matandaan,basta ang alam ko sinabi niya sa akin na dinampot raw ng mga pulis ang tatay, nakapatay raw. Ginawa ni nanay ang lahat, nilapitan niya lahat ng malalapitan, hiningan ng tulong lahat ng mahihingan. pero wala parin, sa huli nabitay parin si itay.
“Mr.Madrigal will you please answer the question?”
Pao: Life for the sake of justice... no ma’am, many of those who live deserve death, and some who dies deserves life, but can we give life to them? If we don’t have the power to give life, then we also don’t have the right to take one even for justice sake.
Sa totoo lang kaya kong i-uno lahat ng grades ko, sa isang bagay lang ako mahina… sa puso. Ewan ko, masyado akong mahina pagdating sa damdamin, sa emosyon. Dahil sa puso kaya di ko makalimutan ang nangyari kay tatay… minsan naitanong ko tuloy kung bakit pakailangan makaramdam ng sakit ang isang tao, bakit di nalang parating kasiyahan.

Gusto kong magpahinga pagtapos nang tanong na iyon, salamat nalang at tinawag na ang huling estudyante.
”what will you do when the worst thing is coming?”
Minsan di mo masabi ang nararamdaman mo sa isang tao dahil natatakot kang masaktan, lalo na kung sa kaibigan. Ang hirap, di mo alam kung paano nila tatanggapin ang sasabihin mo kung ano ang gusto nilang mangyari pagkatapos.

…sana makilala ko na yung babae para sa akin kung hindi si Leigh,sino kaya…

Mabilis ang mga sumunod na mga pangyayari… oo naging kami ni meg.. naging Masaya naman ang dalawang buwan naming pagsasama… mabilis nga diba?

Pagkatapos nun balik nanaman sa normal ang buhay ko gaya nang dati wala kaming ibang gawin kundi ang kumain, mag-aral, mag-computer at matulog, doon lang umiikot ang mundo namin. Pagdating ko ng bahay, sinalubong ako ng isang senaryong kahit sino’y ayaw maranasan at makita. Patay na si nanay, sabi nang mga kapitbahay dumating daw si surot, nag-away daw silang dalawa ni nanay, tapos nakita nalang daw nilang duguan si nanay.

Hindi ko alam ano ang aking gagawin. Galit… galit lang ang nararamdaman ko, gusto kong gumanti, gustong gumanti ng mga kamay ko.
“what will you do when you know the worst thing is coming?”
Heto naba ‘yon? Ewan, gusto ko lang gumanti sa taong pumatay sa nanay ko, kung nasaan na yung taong ayaw pumatay sa ngalan nang hustisya hindi ko na alam.

Sabi nila may plano ang Diyos para sa bawat tao, ang dapat lang nating gawin ay hilingin sa kanya na ang plano niya at plano natin ay iisa, siguro ito na nga ang gusto niyang mangyari sa akin.

Nag pahinga muna ako sa kwarto. Sa tukador naroon ang lapis na bigay ni nanay… maalikabok na dahil hindi ko na masyadong nagagamit… bumalik sa isip ko ang masasayang alaala ng buhay si nanay at si tatay, iyak lang ako ng iyak… kung gagana lang ang lapis ni nanay ngayon, maaari ko pang baguhin ang lahat.

Taon ang lumipas, maayos na ang lahat. Naka-recover na rin ako kahit papaano. Marami na ring nangyari, nag break na si Hiro at Leigh, nasa Canada na si Hiro… sa America naman si Leigh, pero nag-iwan siya ng sulat bago siya umalis. Sinabi niya na mahal niya rin ako ng higit pa sa kaibigan. hindi pala ako binigo ng lapis ni nanay… nahuli rin ang surot at nakulong… pero wala na ang dalawa kong bestfriend… ang dalawa sa pinaka malapit na tao sa akin.

Wala na sa kalahati ang sukat ng lapis na binigay ni nanay, mahirap narin itong ipang sulat, marupok na at madali naring mabali ang tasa, pero eto ako patuloy paring nagsusulat, walang kapaguran at hindi parin nagsasawa.

Nasa America na ako ngayon, hindi ko man nagamit ang kurso ko sa naging trabaho ko rito, Masaya parin ako. Isa na akong writer sa isang sikat na magasin. At hanggang ngayon, dala ko parin ang lapis na bigay ni nanay… hindi ko nga lang ginagamit marami na kasi akong panulat, pero hindi katulad ng lapis ko, wala silang magic.
Anak ni Pao: daddy please call mommy, tell her to come early.
Pao: ok, I’ll call mommy, just a minute baby…
Pao: hello Leigh, anak mo nangungulit uwi ka na daw
Anak ni Pao: hello mommy, please come home, and don’t forget my pencil, I want that magic pencil daddy keeps on talking about.
Hay… sino nga bang makakapag-dikta ng hinaharap? wala… iyon ang katotohanan, kahit anong magic pa ang napapaloob sa isang bagay, lapis man o hindi, di nito kayang diktahan ang kapalaran ng isang tao. Nandito lang ang mga bagay na ito para tayo gabayan, nasasaiyo na kung gusto niyong maniwala o hindi.

© Kalyo [TPA]

No comments:

Post a Comment